Mga lokal na negosyante, iniinda na rin ang problema sa SB
Pati mga lokal na negosyo ay nakakaramdam na rin ng negatibong epekto ng hindi pag-apruba ng Budget ng lokal na pamahalaan at hindi pagbigay ng otoridad ng Sangguniang Bayan kay Mayor Maria Carmela E. Alvarez na mag-hire ng mga casual, contractual at job order na mga empleyado.
“Puro utang ang mga empleyado ngayon! Wala kang magagawa… Maaawa ka rin sa kanilang mga anak kung hindi mo pauutangin,” reklamo ni Gng. Adion*, may-ari ng isang maliit na tindahan sa Poblacion.
Dagdag pa nito, maaaring magsara siya ng kanyang tindahan kung hindi agarang makakapagbayad ang kanyang mga suking empleyado na ngayo’y baon na sa pagkakautang.
Isa lamang si Gng. Adion* sa dumadaming lokal na negosyanteng umaangal na rin sa negatibong epekto ng pagharang ng ilang SB Members sa pag-apruba ng budget at hiring ng mga tinutukoy na empleyado.
Mahigit 500 kasing empleyado ang halos dalawang buwan na na walang sahod, at maaaring madagdagan pa ito ng 200 na regular na empleyadong maaaring ma-delay ang sahod ngayong buwan epekto ng hindi pagka-apruba ng budget.
“This is the domino effect of the lack of cash flow unto our local economy. Dahil walang pera ang mga empleyado, wala rin silang pambili, wala ring umiikot na pera sa komunidad. Bukod sa nagugutuman ang mga pamilya, wala ring pumapasok na pera sa mga negosyo,” paliwanag ng isang guro sa lokal na pamantasan. “This problem in the Sanggunian has wider repercussions than what our SBs thought. Papatayin nila ang mga empleyado, papatayin pa nila ang mga negosyo,” babala pa ng guro.
“Sana man lang naisip ito ng mga SB na ‘yan na hindi pumirma… Mabuti sila, may ipon at malalaki ang mga sweldo! E paano ang mga laborer na tama lang sana ang kanilang kita sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tapos ngayon ay halos dalawang buwan ng walang natatanggap na sweldo?” angal pa ni Gng. Adion*.
Matatandaang natalo sa botohan ang Budget ng munisipyo at ang request ni Mayor Alvarez na payagan siyang mag-hire ng mga casual at contractual na empleyado.
*Hindi totoong apelyido. Itinago ng Unlad San Vicente ang kanyang tunay na pagkakakilanlan sa takot na mabalikan ng ilang mga SB Members.
Read more: https://web.facebook.com/unladsanvicente/