Mahigit 500 empleyado, nangangambang hindi ma-‘renew’ sa munisipyo
Mahigit 500 casual, job order at kontraktwal na mga empleyado ng lokal na pamahalaan ang humarap ng bagong taon na bagsak ang mga balikat.
Ito ay matapos ng ilang sesyong hindi pa rin ipinapasa ng Sangguniang Bayan (SB) ng San Vicente ang resolusyon na magbibigay kapangyarihan kay Mayor Pie Alvarez na mag-hire ng mga nasabing uri ng mga empleyado upang masagot ang mga kakulangan sa manpower ng munisipyo. Nakasaad sa Local Government Code ng 1991 na bago pumasok sa anumang kontrata ang isang punong ehekutibo, marapat na humingi muna siya ng awtorisasyon sa kanyang Sanggunian sa pamamagitan ng isang resolusyon.
“Nagkaroon ng paunang botohan noong Disyembre ngunit dalawa lamang sa ating mga SB ang pumayag na ipasa ang resolusyon…ang iba, hindi nagtaas ng kamay. Nagpatuloy ang diskusyon nitong Enero pero kahit na umattend na ang mga empleyadong ito sa sesyon, hindi pa rin ipinasa ang nasabing resolusyon,” paliwanag ni Vice-Mayor Antonio V. Gonzales.
Bunsod dito, maraming proyekto partikular na ang pagbubukas at pagkokongkreto ng mga kalsada sa bayan ang nahinto pansamantala. Mahigit 100 sa mga empleyadong ito ay nagtatrabaho bilang heavy equipment operator, driver, laborer ng mga proyekto, at support staff sa iba’t-ibang opisina ng LGU.
“Malaking perwisyo sa ating mga proyekto…at sa ating bayan ang ginagawang paghaharang na ito ng ating mga SB sa kinakailangang resolusyon,” reklamo ni Vice-Mayor. “Pero kung ang nais lang nila ay galitin tayo, d’yan sila nagkakamali. Tinitiyak ko sa ating mga empleyado na hindi sila mawawalan ng trabaho…hindi pwedeng magutom sila at ang kanilang mga pamilya dahil lang sa mga personal na interes ng ating mga kasama dito sa Sanggunian,” dagdag pa nito.
Samantala, nagpaabot naman ng mensahe ng suporta ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Gov. Jose Ch. Alvarez sa alkalde, bise-alkalde at mga apektadong empleyado. Tiniyak ng gubernador na madali lang bigyan ng solusyon ang problemang kinakaharap ngayon ng lokal na pamahalaan.
Read more: http://unladsanvicente.wix.com/unladsanvicente…‘renew’-sa-munisipyo/pk0mt/56a3e4e90cf2009838b9ad43